Wednesday, September 10, 2014

KREDO NG BATANG SES
Lyrics by: MODESTO D. LABINI JR.

Ako ay SES kid!
Ako ay mabait, masipag
Magalang, matapat, matulungin
Malinis, disiplinado at matalino
Ako ay kaibigan ng lahat
Maasahan sa lahat ng oras
Ako ay ulirang mag – aaral
Mabuting anak at may takot sa Diyos
Ako ay SES Kid!
AWIT NG BAYAN NG BALER
Lyrics by: Modesto D. Labini Jr
Music by: Noel A. Manzano

I
Ikaw ang Ama ng aming kasaysayan
Aming gabay at aming tanggulan
Kahit kailan sami’y di Ka nagkukulang
Ikaw ang Diyos ng aming bayan
II
Pasasalamat ang alay nitong aming bayan
Sa pag – unlad at pag – angat na aming nararanasan
Mula noon hanggang ngayon at magpakailan man
Ikaw ang Diyos ng aming bayan

CHORUS
Labis ang galak sa pag –angat
Ng kabuhayan ng Baler
Bayang puno ng iyong himala
Kami’y iyong pinagpala
Kamangha – mangha ang iyong gawa
Walang hanggan ang ‘yong awa
Kulang ang awit at tula
Bilang handog ng bayan ng Baler

Tunay na pinagpala itong aming bayan
Mula dagat, ilog at mga kabundukan
Ang pambihirang kagandahan ng nilikha mong kalikasan

Ikaw oh Diyos and siyang pinagmulan


This song was sung last August 19, 2014 during the Commemorative Program of Baler Town Fiesta.


Tuesday, March 26, 2013

          

   PASASALAMAT
Composed by: Modesto D. Labini Jr.

 I
Ngayon ay araw ng pagtatapos
Kagalakan sa puso ay taos
Pasasalamat ay aming handog
Sa mga gurong sa amin ay humubog

    KORO:
Salamat sa lahat ng mga guro
Higit sa aming tagapayo
Salamat sa mga magulang
Diplomang natanggap sa inyo ay alay


 II
Sa kabila ng aming pagkukulang

Kayo ay laging nariyan

Minamahal na mga magulang

Sa amin ang tulong laging laan

            (ulitin ang koro)


Monday, March 25, 2013


IPINAGMAMALAKI KO, AKO AY PILIPINO
Likha ni: G. Modesto D. Labini Jr.
Paaralang Elementarya ng Sukalyin


 Mga kababayan at mga kaibigan
Ating kilalanin ang tinubuang bayan
Perlas ng Silangan kung tagurian
Taglay ang kagandahan at kayamanan

II 
Ang bansang Pilipinas ay sadyang kilala
Hindi lang sa Asya maging sa Europa
Tayo ay nakilala sa ganda ng kultura
Lalo na sa ugaling mapagmahal sa kapwa

III
Hindi matatawaran tibay ng Pilipino
Iyong makikita saan man sa mundo
Sa mga pagsubok hindi sumusuko
Malakas ang loob harapin man ang kung sino

IV 
Pilipino sa puso, sa isip at diwa
Tunay na Pilipino maging sa mga gawa
Ikaw ay kakaiba sa mga banyaga
Kaya naman buong mundo saiyo humahanga

 V 
Kung tutuusin ay maliit na bansa
Kumpara sa mga bansang maunlad
Subalit sa husay ay lubos na pinagpala
Ng ating maykapal na sa atin ay lumikha

VI
Pilipino ay magaling sa lahat ng larangan
Sa Isports, sa pag – arte at sa pagandahan
Pang -  internasyunal man ang paligsahan
Pag – uwi sa Pilipinas may hatid na karangalan

VII
Ang tunay na bida ay di umaayaw
Katulad ni Shamcey at  Manny Pacquiao
Mayroon pang ilan na panalo sa paligsahan
Katulad din ng AZKALS na tunay na palaban

VIII
Kahit sa ibang bansa pilipino’y nangunguna
Maging sa ugali ay talagang pambihira
Mabait, masipag at mahusay makisama
Iyan ang Pilipino tunay na bida

IX
Kapwa ko Pilipino mayroon kang magagawa
Upang bigyang karangalan ang ating bansa
Sa iyong larangan magpakadalubhasa
Nang sa gayon ating bansa ay higit na madakila




The Lord is good and His mercy endures forever...



AURORA
Composed by:Modesto D. Labini Jr.

Kung ating pagmamasdan
Ating lalawigan
Hindi na mapapantayan
Ganda ng kalikasan

KORO:
Aurora ikaw ay aking mahal
Kahit saan, kahit kailan
Ikaw ang number one

Aurora itong puso ko
Sa iyong ganda nabihag ako
Bagamat ako’y  bikolano
Pagmamahal ay para saiyo

Ating  pakaingatan
Ating lalawigan
Upang maranasan
Ang kasaganaan

Aurora ikaw ay aking mahal
Kahit saan, kahit kailan
Ikaw ang number one

Aurora itong puso ko
Sa iyong ganda nabihag ako
Bagamat ako’y  bikolano
Pagmamahal ay sa’yo
Kailan man di nagbago ito’y totoo
Tanging saiyo lamang  itong  buhay ko










“Si Pagkamoot asin si Kagayonan”
(Pag – ibig at Kagandahan)
by: Modesto D. Labini Jr.

May isang magandang talon sa lugar ng kabikolan na dinarayo dahil sa kakaibang ganda nito. Ang paligid nito ay luntian sa mga halaman at ubod ng ganda ang mga tanawin. Subalit ang talon na ito ay kakaiba. Ito ay may kaharian sa ilalim ng tubig. Pinamumunuan ito ng kanilang hari na si Kamurawayan at ang kanyang kabiyak na si Marahayon. Ang ganda ng kanilang kaharian. Magaganda ang mga diwata at makikisig ang mga engkantong nakatira rito.

Mahalaga sa kanilang kaharian ang bawat diwata at engkanto dahil sila ay may mahalagang ginagampanan sa kanilang kaharian. Ang lumiban sa mga gawain ay magiging kakulangan sa kanila. Malungkot ang mga pagtitipon kung may kulang sa mga diwata at engkanto dahil sila ay may kanya – kanyang nota na pinatutunog sa oras ng awitan. Mahusay sa musika ang mag – asawang Kamurawayan at Marahayon. Alam nila kung kulang ng isang nota ang isang awit kahit nakapikit sila. Kung kaya’t hindi pinapayagan ang sinuman na mamasyal isang araw bago dumating ang pagtitipon upang maiwasan ang pagkakaroon ng liban sa mga pagtitipon.

Minsan isang araw ng pagtitipon ng mga diwata at engkanto may isang grupo ng mga kabataan ang nagtungo sa talon. Naakit sila sa ganda ng talon at sila ay naligo rito. Dahil sa kanilang tawanan at hiyawan, nawala sa tono ang awitan ng mga engkantada. Ito ay dahil naririnig nila ang ingay sa ibabaw ng tubig. Pinatigil ni Kamurawayan ang pag – aawitan at kanilang pinakinggan ang ingay sa ibabaw ng tubig. Inutusan ni Kamurawayan ang kanyang anak na si Pagkamoot upang hulihin ang isa sa mga magandang dalaga na naliligo sa talon. Ang tinutukoy ng ama ay si Kagayonan. Dali – daling sumunod si Pagkamoot at hinuli niya ang taga - lupa.
Ihinarap ang dalaga sa kapulungan at kinausap ng hari at reyna. Hindi makapaniwala ang dalaga sa kanyang nakikita at ang akala niya ay siya nananaginip lamang. Ayon sa kapulungan kinakailangang bigyang ng aral ang taga – lupa kung kaya sila ay nagpasya na hindi pauuwiin si Kagayonan at siya ay gagawing alipin. Walang magawa si Kagayonan kundi magpasakop sa mga Engkantada dahil hindi niya alam kung paano siya makakalabas sa kaharian.
Lingid sa lahat na si Pagkamoot ay may lihim na paghanga kay Kagayonan. Lagi niya itong kinakausap at tinutulungan para hindi ito mahirapan sa mga gawain. Nahulog din ang loob ni Kagayonan sa engkanto at sila ay nag – ibigan. Nakarating ang balita kay Kamurawayan at Marahayon kaya ipinatawag nila ang anak na si Pagkamoot. Pinagsabihan nila ito na itigil ang kanilang pag – iibigan kung hindi siya ay aalisin sa mataas na trono sa kaharian. Sobrang napamahal na si Pagkamoot kay Kagayonan at ito ay kanyang ipinaglaban. Mas pinili ni Pagkamoot na ibaba sa trono kaysa mawala sa kanya si Kagayonan. Nagalit ang mga matatanda sa kaharian at sinulsulan si Kamurawayan na parusahan si Pagkamoot sa paglapastangan sa mga kautusan.
Tinanggal sa kanyang trono ang binata subalit nagpatuloy pa rin ang kanyang pag – ibig sa taga – lupa. Nakalimutan na rin ni Kagayonan na siya ay  isang tao at mayroon siyang pamilya. Nakita ng mga matatanda sa kaharian ang labis na  pagmamahalan ng dalawa kung kaya napagpasyahan ng hari at reyna na gawing engkantada si Kagayonan subalit alam nila ang  ang magiging bunga nito – mawawala na sa tono ang awit nila dahil may isang nota ang idadagdag.
Mahusay pala sa musika si Kagayonan kung kaya nagawan nila ito ng paraan. Nagkasundo ang tunog ni Kagayonan at Pagkamoot kung kaya sa kanilang awitan magkasabay ang dalawa na kumanta ng isang nota. Lalong naging masaya ang kanilang pagtitipon dahil tinuruan sila ni Kagayonan ng ibat – ibang mga awit. Nasiyahan ang lahat lalo na ang hari at reyna kung kaya Ikinasal nila ang magkasintahan at ibinalik nila sa trono si Pagkamoot . Pinaupo si Kagayonan sa tabi ng binata bilang pasasalamat at parangal sa kalinisan ng kanyang kalooban at wagas na pag – ibig sa binata . Namuhay si Kagayonan na totoong diwata at masaya siya sa pangyayaring ito. Hiniling naman ni Pagkamoot na sa tuwing may pupunta sa talon na kamag – anak  o kaibigan ni Kagayonan ay ipapakita ang mukha at ipaparinig ang boses ng dalaga para mabawasan ang kanilang pangungulila.
Mula noon ang mga turista ay hindi na naliligo sa talon dahil natatakot sila na baka  kunin din sila ng mga engkanto. Mula noon ang talon na iyon ay tinawag na ” Pagkamoot at Kagayonan” na ang ibig sabihin ay “Pag – ibig at Kagandahan”